Monday, January 19, 2009

Nagsisisi ka ba, Hudas?

Kung mayroong tauhan sa Bibliya na nakukuriri sa pagbanggit ng kanyang pangalan ay siyang si Hudas. Sapagkat nababanggit lamang ang kanyang pangalan sa panahon ng matinding galit o suklam. Hindi tulad ng ibang mga apostoles na kasabayan niyang sumunod sa mga balangkas ni Hesus, hindi siya nadadasalan ng mga nagsusumamo at nagpupuri bagkus ibinubulalas sa panahon ng poot at muhi.

Kaya't nang may isa na namang nagsambit ng panunumbat na "Hudas ka!" hindi na napigilan ng lalaking ilang henerasyon nang tinawag na 'tagapaglulong ni Hesus' na sumilip sa pagitan ng mga ulap at bumuntong-hininga.

Dahil sa lawak ng kanyang pangunawa at lalim ng kanyang misericordia, nabatid ni Hesus ang pinagdaraanan ng kanyang dating alagad kaya Niya ito nilapitan at kinausap.

"Hudas, ano ang sinisilip mo riyan?" ani ng Panginoon.

"Guro," ang bati ng apostoles. "Malaki po ba ang kasalanan ko sa Inyo?"

Pinagmasdan ng Tagapagligtas ang kanyang alagad at marahang ngumiti. "Nagsisisi ka na ba sa nagawa mo, Hudas?"

"Sa isang banda," tugon ng apostoles, hindi pansin ang pagbabago sa mukha ng kanyang dating ibinenta sa mga pariseo.

"Sa isang banda?"

Tumango ang alagad. "Sa isang banda, nagsisisi ako sa pagdurusang Inyong pinagdaanan. Ilang dantaon na po akong nagsisisi at lumipas man ang ilang dantaon pa'y hindi mawawala o magmamaliw man lamang ang pagsisising iyon."

Tumango si Hesus at tahimik na naghintay para sa sunod na sasambitin ng kausap.

"Pero kung hindi po Kayo namatay sa krus, sila..." gumuhit si Hudas sa hangin gamit ang isang braso ng isang malaking arko, upang ilarawan ang ibig sabihin. "Silang lahat po ay hindi magkakamit ng buhay na walang-hanggan. Noo'y hindi ko po alam kung bakit Ninyo ako pinabayaang gawin ang bagay na yaon, ngunit kapag nakikita ko ang lahat ng naligtas ng Iyong pagpapakasakit, nauunawaan ko na."

"Sa tingin mo ba'y hindi ka nagkasala, Hudas?"

Umiling si Hudas. "Ang pagkaganid ko sa pera'y ang bagay na sumira sa akin. Gayon lamang ang kakayahan ng Diyos, Iyong Ama, sapagkat nagawa Niyang isang pagliligtas ang aking pagkakasala."

"Nagsisisi ka ba, Hudas?"

"Opo," sagot ni Hudas. "Umabot sa sukdulan na ito'y aking ikinamatay."

"Nalalaman mo ba kung bakit kinailangang mangyari ang mga nangyari?" tanong ni Hesus.

"Upang mailigtas ang sangkatauhan," sagot ni Hudas. "Ito po ang kahulugan ng Inyong pangalan, di po ba?"

"Kung sa Diyos na kayang gawing pagliligtas ang iyong kasalanan, hindi kaya'y kaya Niyang magligtas sa ibang paraan?" tanong ni Hesus.

Natahimik si Hudas ng sandali at inalala ang mga itinuro ng Guro noong sila'y nagiikot pa, "Walang imposible sa Kanya. Hindi matatawaran o matatapatan ang misericordia ng Inyong Ama."

"Ating Ama," ang mahinahong pagtama ni Hesus. "Iyon ang kagustuhan Niya. Tinanggap Ko iyon at ipinagkasatuparan. Nagsisisi ka ba, Hudas?"

Nagtaka si Hudas, at napaisip sa ikatlong beses na pagtanong. Sa sandaling nalinawan siya, napawi ang mga anino sa kanyang mukha. Hindi man siya nangiti, nabawasan ang bigat sa kanyang mahinang tinig, "Hindi na po."

Batid ang saya sa pagtango ng Iisang Anak ng Diyos at tinapik ang balikat ng Kanyang kaibigan. "Mabuti naman at naiintindihan mo na."

0 Comments:

Post a Comment

<< Home