Friday, February 24, 2006

Short Story: Ang Mga Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran nina Joshua at Lala (Filipino) Part One

Nananahimik ako sa tambayan namin sa cafeteria nang bigla niya akong lapitan. Hindi ko gusto ang asta niya habang naglalakad siya patungo sa kinauupuan ko. Sa totoo lang, kahit anong araw naman hindi ko talaga gusto’ng asta niya.

Siyempre, si Joshua ‘ata yun eh.

Pansamantala kong inisip kung ano na naman ang nagawa ko para dayuhin pa niya ang table namin ng ganito. Alam kong ako ang punta niya dahil sa akin siya nakatingin. Correction. Nakatitig. Palihim kong sinilip ang mga kasama ko. If looks could kill, ika nga, patay na si Joshua ngayon. Sino ba naman kasi ang makakalimot sa mga kalokohang ginawa niya sa aming magkakabarkada?

Pero wala nang oras para pagdiskusyonan pa ‘to sapagkat si Joshua ay nakatayo na sa aking harapan.

“Hoy, Lala,” tawag niya sa akin. Tinignan ko siya sa mata, hindi nagpapatinag sa kanyang titig. Parang tumigil ang oras liban sa hamunan naming walang salita. Sa wakas, bumigay rin siya at sinabi na rin niya kung ano ang gusto niya. “Samahan mo ako sa aming bundok.”

Bumukas ang aking bibig ngunit walang tunog na lumabas. Kung nakatayo ako, malamang, nasa sahig na ako ngayon. At kung hindi ko nakikita si Joshua na nakatayo na parang hiyang-hiya sa ginawa niya, iisipin ko na isa tong masamang biro ng pagkakataon, o kaya’y panaginip.

“Hoy, ano?”

“Ha?” napatanga ako, hindi makaimik ng maayos. Isang bag na bumagsak sa aking likuran ang sumipa sa kamalayan ko at nagpabalik sa akin sa katinuan ng aking pagiisip. “Teka na, seryoso ka ba talaga?”

“Oo,” sagot niya. Ang dalawang patinig ng salita ay nagmistulang isa sa bilis at hina ng kanyang pagkakasabi.

Sinuri ko ang mga pangyayari. Tama, galing si Joshua sa bundok, pero bakit niya ako isasama doon? Katuwaan? Pero bakit hindi siya nakangiting-aso na ginagawa niya kapag may masamang biro siyang pinaplano? Hindi naman kami magkasundo. Sa katunayan, ayaw na ayaw niya sa akin dahil masyado raw akong maarte…

“Eh bakit ako?” naitanong ko na lang.

Hindi na niya ako matignan. “Ikaw ang napili ng aking ama. Gusto niyang ikaw ang makasama ko.”

“Kasama saan?” marahil nagmukha na akong batang naliligaw sa itsura ko. Nasisilayan ko sa kanyang madilim na mga mata ang sarili ko na gulat at nagtataka.

“Basta,” ang paiwas na tugon nito. “Sasama ka ba? Wala ka bang tiwala sa akin?”

Seryosohan? Prankahan? Wala. Pero, sige, pagbigyan. “Hindi mo naman siguro ako ipapa-salvage, no? Kasi, doon, hindi ko alam ang lugar. Iligaw mo lang ako ng konti, wala nang makakarinig sa mga sigaw ko.” Nainsulto siya at mabilis na sumimangot. Bumuntong-hininga ako. Hindi ko naman talaga gustong saktan ang damdamin niya, nagbibiro lang naman ako. “Ano nga? Hindi mo pa rin kasi ako sinasagot kaya kung anu-ano ang naiisip ko!”

Nakakunot ang kanyang noo. “Basta, huwag kang matanong. Sasama ka ba kasi?”

“Bakit nga?” Medyo tumaas na ang boses ko. Nakakainis talaga ‘tong kausap kahit kailan! “Hindi ako makakasagot hangga’t hindi ako nagpapaalam at hindi ako makakapagpaalam hangga’t hindi mo sinasabi kung bakit mo ako sinsama!”

“Ang arte mo naman!” ang pasigaw niyang reklamo.

Tsk. Siya na nga ang nagpapasama, siya pa ang galit. Pero, nakakapanibago ang itsura niya ngayon. Naturingang isa sa mga siga sa batch namin, pero halos magmakaawa na siya sa harapan ko ngayon.

Halos...

Bigla na lamang niya akong hinawakan sa braso at dinala sa isang hindi mataong lugar sa cafeteria—doon sa gitna ng general merchandise at teachers’ lounge. Wala na akong panahong magsalita. Sa nilayo ng pinagkaladkaran niya sa akin, ni hindi ko man lang nakuhang pumalag. Kunsabagay, si Joshua kasi yun. “Ano ba?!” iyon na lamang ang naidaing ko nang makarating kami sa pook na gusto niyang puntahan. Binawi ko ang braso ko mula sa kanyang pagkakapit. Napansin ko ang muling pagtaas ng boses ko at mabilis ko itong hininaan. Nakatingin sa amin ang ilan sa mga teacher na kumakain sa lounge. Hay... panibagong tsismis na naman ito. “Bakit ba ayaw mong sabihin kung ano’ng gusto mo?” dagdag ko sa mas mahinahong tono.

“Sasabihin na nga eh,” baling niya habang itinitirik ang kanyang mga mata. Bumuntong-hininga siya, hinahanap ang mga salitang gagamitin upang maikuwento ang pinaggalingan ng kanyang mga pangangailangan. “Malapit na kasi akong mag-sixteen at kailangan kong mapatunayan ang aking pagkalalaki upang matanggap ako sa lupon ng matatanda ng aming angkan.”

Parang bumilis ang ikot ng mundo ko. Lupon ng matatanda? Angkan? Pagkalalaki? Hindi pa ba sapat ang pinapakita niyang "pagkalalaki"? Ano’ng klaseng tribo ba nanggaling 'tong taong 'to? Ano'ng kailangan niya sa akin? Bakit ako? "Saan naman ako lumulugar doon?" naitanong ko tuloy.

"Basta."

Uminit na naman ang ulo ko. Marami pa siyang kailangang patunayan, tapos, 'Basta' lang ang sasabihin niya?! "Wala ka na bang ibang alam sabihin?!"

"Eh," nagisip siya ng sandali. "Basta, pumayag ka na."

Pinigil ko ang malaking bahagi ng pagkatao ko na gustong sumakal kay Joshua. Sumagi sa isip ko na malamang naman siguro hindi ako payagan nila mommy at daddy sa ganitong lakad. Huminga ako ng malalim at pinagdasal na tama ang basa ko sa sitwasyon. "Sige na. Tignan muna natin kung papayag ang mga magulang ko."

"Sige," at mabilis siyang bumalik sa table ng barkada nila. Sinundan ko muna siya ng tingin habang pinagmumuni-munihan ang mga pangyayari. Iniling ko na lang ang ulo ko at naglakad pabalik sa sarili kong grupo na malamang ay naghihintay ng kuwento.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home